Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila kukonsintihin ang kanilang mga kabarong nasasangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen.
Ito’y kasunod ng pagsasampa ng kasong murder at rape laban sa dalawang pulis na nasa likod ng panggagahasa sa isang 18 anyos gayundin ang panggagahasa at pagpatay naman sa isang 15 anyos na mga dalagita sa Cabugao, Ilocos Sur noong Miyerkules.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa, hindi karapat – dapat na mga maging pulis sina P/Ssgt. Marawi Tonda at P/Ssgt. Randy Ramos dahil hindi gawain ng isang tao na nasa matinong pag-iisip ang kanilang ginawa.
Miyerkules ng gabi, galing sa isang party sa bayan ng San Juan ang magpinsang si Fadel Pineda, 15 anyos at pinsan nitong 18 anyos nang sitahin sila nila Tonda at Ramos dahil sa paglabag sa curfew at physical distancing.
Dahil lango sa alak ang magpinsan, inalok umano sila ng dalawang suspek na pulis na ihahatid sila sa bahay subalit pagdating sa Cabugao ay doon na ginawa ng mga ito ang kanilang masamang balak.
Nagawang makatakas ni Pineda kaya’t nakapagsumbong ito dahilan upang maipagharap nila ng kasong acts of lasciviousness at rape laban sa dalawang pulis.
Matapos maisampa ang reklamo, tinambangan naman si Pineda ng riding in tandem suspects sa sinasakyan nitong tricycle na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Dahil dito, ipinag-utos ni Gamboa na bigyan ng ibayong seguridad ang pamilya ni Pineda gayundin sa 18 anyos nitong pinsan na ngayo’y nasa nakabalik na rin sa pamilya nito.