Nakabalik na at na-promote pa ang halos lahat ng mga pulis na nasangkot sa di umano’y extra judicial na pagpatay sa tatlong kabataan nuong nakaraang taon sa Caloocan city.
Matatandaan na halos buong puwersa ng Caloocan police ang sinibak matapos mapatay ang mga binatilyong sina Kian delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman sa anti-drugs war ng pamahalaan.
Kabilang sa sinibak ang hepe noon ng Santa Quiteria precinct na si Chief Inspector Amor Cerillo kasama ang lahat ng pulis ng presinto, Senior Supt. Chito Bersaluna ng Caloocan City PNP at Chief Supt. Roberto Fajardo ng Northern Police District.
Isang taon matapos ang mga pagpatay sa mga binatilyo, si Fajardo ay direktor na ngayon ng PNP Highway Patrol Group, si Bersaluna ay Provincial Director na ng PNP-Bulacan na isa rin sa itinuturing na killing field pagdating sa drug war ng pamahalaan, samantalang opisyal na ng NPD Operations Office si Cerillo.
Samantala, sa labing limang pulis na nasangkot sa anti-drug war operations kung saan napatay si Kian delos Santos, tanging sina PO3 Arnel Oares, Po1 Jerwin Cruz, PO1 Jeremias Pereda at kanilang civilian asset na si Renato Loveras ang nakasuhan.
Sina PO1 Ricky Arquilita at Jefrey Perez naman ang tanging nakasuhan sa pagpatay kay Carl Arnaiz, isang araw matapos mapatay si delos Santos.
Lumabas sa imbestigasyon ng PNP Internal Affairs service na naging pabaya si Chief Inspector Fortunato Ecle bilang superior nina Arquilita at perez kaya’t dapat itong patawan ng one rank demotion.
Gayunman, sa kasalukuyan, nananatili sa kanyang dating ranggo si Ecle at officer in charge siya ngayon ng NPD logistics office.