Ipinag-utos ng Court of Appeals na ibalik sa serbisyo ang 19 na mga pulis na una nang sinibak sa trabaho dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng Police Rubber Boats na nagkakahalaga ng mahigit 4 Million Pesos noong 2009.
Sa 22-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda ng CA 11th Division, pinaboran nito ang inihaing petisyon ni Chief Supt. Asher Dolina at iba pa kung saan binaligtad ng Appellate Court ang Consolidated Resolution ng Office of the Ombudsman nuong June 2, 2015 na nagsasabing may pananagutang administratibo ang mga petitioner.
Ibinasura rin ng CA ang reklamong Grave Misconduct at Dishonesty laban sa mga nasabing Police Officer.
Pero sa desisyon ng CA, hindi ito kumbinsido na nakagawa ng Grave Misconduct ang mga pulis nang dahil lamang sa pagnanais na magbigay ng mabilis, sapat at maaasahang serbisyo sa panahon ng State of Calamity.
Maituturing anila na Emergency Procurement ang nangyari dahil sa sunud-sunod na kalamidad ang tumama sa bansa noong 2009 kabilang na ang bagyong Ondoy at Pepeng.
Nag-ugat ang kaso sa inisyung Disbursement Voucher noong July 2010 bilang kabayaran sa mga rubber boat na nagkakahalaga ng 4.54 Million Pesos, sa kabila ng mga nakitang depekto sa nasabing procurement dahil sa hindi ito dumaan sa public bidding.
By: Meann Tanbio