Hindi sasantuhin ng Philippine National Police (PNP) ang mga kapwa pulis na nasasangkot sa mga illegal na gawain tulad ng extorsion at illegal na droga.
Ito ang babala ni PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa sa kaniyang unang talumpati sa harap ng mga pulis sa Kampo Crame bilang kanilang bagong pinuno.
Ayon kay Gamboa, mahigpit niyang tututukan sa kaniyang termino ang internal cleansing kaya’t muli niyang ipinaalala ang ipinatutupad na no take policy.
Pagtitiyak ni Gamboa, kakastiguhin, sisibakin sa serbisyo at kakasuhan pa ang mga pulis sakaling mapatunayan ang kanilang pagkakasangkot sa mga nabanggit na paglabag.
Kasunod nito, nais din ni Gamboa na pabilisin ng 15 araw mula sa dating isang buwan ang pagdinig sa mga kasong administratibo na isinasampa sa isang pulis. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)