Naghain ng kanya – kanyang paliwanag ang mga pulis na nabigong makadalo sa mga nakaraang pagdinig ng Manila Regional Trial Court (RTC) sa kaso ng kilalang drug lord na si Kerwin Espinosa.
Sa pagpapatuloy ng pre at joint trial ng kaso sa ilalim ni Judge Selvino Panfilo Jr. ng Manila RTC Branch 36, sinabi ni Ozamiz City Philippine National Police (PNP) Commander Chief Inspector Jovie Espinido na nabalam ang pagbalik niya sa bansa mula Hong Kong dahil sa ginanap na ASEAN Summit.
Paliwanag ni Espenido, ang nasabing trip to Hong Kong ay bahagi ng meritorious award na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanilang matagumpay na operasyon kontra iligal na droga.
Paliwanag naman ni Chief Inspector Shevert Alvin Machete ng Kananga Leyte police, bukod sa hindi sila nakatanggap ng subpoena, problema din nila ang pamasahe mula at pabalik ng Ormoc City at Maynila.
Sinabi naman ni Chief Inspector Leo Laraga, nalipat siya sa General Santos City PNP kaya bukod sa malayo, magiging magastos din aniya ang pagpunta niya ng Maynila.