Hinimok ng Amnesty International (AI) ang gobyerno ng Pilipinas na papanagutin ang mga pulis na sangkot sa mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa ‘war on drugs’.
Sinabi ni James Gomez, direktor ng Amnesty International of Southeast Asia and the Pacific, na karamihan sa mga pinapatay ng mga pulis sa kanilang operasyon kontra droga ay pawang mahihirap lamang.
Dagdag pa ni Gomez, ngayong balik na ang Philippine National Police (PNP) sa anti-drug operations ay dapat na gumawa ng hakbang ang gobyerno upang hindi na maulit ang pagdanak ng mga dugo at brutal na patayan.
Positibo naman ang grupo sa naging hakbang ng Department of Justice (DOJ) na magsampa ng kasong murder laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos.
Matatandaang ipinagmalaki ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang naging maayos na takbo ng pagbabalik ng Oplan Tokhang.
Umaasa si Dela Rosa na magtutuloy-tuloy ang magandang takbo ng mga ikakasa pa nilang Oplan Tokhang.
Una dito, inamin ni Dela Rosa na may mga pulis na umabuso na dating Oplan Tokhang.
Ito aniya ang dahilan kung bakit naglabas ngayon ng panibago at mas detalyadong guidelines ang PNP sa Tokhang.
Inamin din ni Dela Rosa na ang pagdadagdag ng guidelines sa Tokhang ay bunsod ng petisyong kinakaharap nila sa Korte Suprema.