Dinisarmahan na at inilagay sa kustodiya ng Sulu Provincial Director ang mga pulis na sangkot sa pagkakapatay ng apat na sundalo sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, maliban sa hiwalay na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), iimbestigahan rin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga pulis.
Nagtutulungan na anya ang PNP at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang malaman kung ano ang tunay na nangyari na nauwi sa barilan at pagkamatay ng apat na sundalo.
Hinikayat ni Año ang NBI na saliksikin ang lahat ng anggulo upang mailabas kung ano ang tunay na nangyari.