Nasa 67 pulis, kabilang ang ilang opisyal, ang nakasalang na masibak sa serbisyo ngayong buwan.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, batay sa pakikipag-usap niya kay Atty. Rogelio Casurao, ang Executive Officer at Vice Chairman ng National Police Commission o NAPOLCOM, bago matapos ang Enero isusumite na nila sa Malacañang ang resolusyon ng mga kaso ng mga naturang pulis para pa abrubahan sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Bato, Senior Superintendent ang pinakamataas na ranggo na nakasalang sa sibakan.
Iba’t iba aniya ang kaso ng mga ito tulad ng neglect of duty, grave misconduct, pagiging awol at droga.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may pinasisibak na mga pulis ang Pangulo ngayong unang linggo ng Enero.
Pero ayon kay Bato hindi basta-basta maaaring makapagsibak ng pulis at kailangang idaan sa due process para siguradong hindi na makababalik pa sa serbisyo ang mga ito.
—-