Posibleng lalong umabuso ang mga pulis sa kampanya kontra iligal na droga.
Binigyang diin ito ni Magdalo Party List Representative Gary Alejano kasunod ng balak ng Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng absolute pardon ang mga pulis na suspek sa pagpatay kay Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte.
Sinabi ni Alejano na magiging lisensya ng mga pulis ang nasabing hakbang ng Pangulo para hindi sundin ang mga panuntunan ng kanilang operasyon kontra illegal drugs.
Dahil dito, lalala pa aniya ang mga patayan na kasasangkutan ng mga pulis sa gitna ng anti-illegal drugs war.
Babala pa ni Alejano, maaaring mag-resulta sa impunity sa hanay ng PNP o Philippine National Police ang naturang plano ng Pangulo.
By Judith Larino