Libu-libong mga pulis ang ipinakalat ngayon sa ilang lugar sa Metro Manila na sentro ng mga pagdiriwang.
Kasabay ito ng inagurasyon nila Pangulong-halal Rodrigo Duterte at Vice President-elect Leni Robredo ngayong araw.
Ang binuong Task Force Panunumpa 2016 ay siyang naatasan namaglatag ng mga kinakailangang seguridad para sa makasaysayang araw na ito.
Ayon kay C/Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, partikular nilang tututukan ang paligid ng Philippine International Convention Center o PICC at Palasyo ng Malacañang.
Gayundin ang gagawinng PNP sa paligid ng Quezon City Reception House kung saan manunumpa si Robredo at sa Quezon City Circle na siyang pagdarausan naman ng thanksgiving party nito.
Pangungunahan ni Deputy Director Francisco Uyami ang Task Force Panunumpa 2016 habang itinalaga naman si NCRPO Dir. Joel Pagdilao bilang deputy nito.
Kaugnay nito, nakataas na sa heightened alert ang NCRPO para sa nasabing okasyon ngayong araw.
500 MMDA traffic enforcers
Tinatayang nasa 500 traffic enforcers naman ang ipakakalat ngayong araw sa buong Metro Manila.
Ito’y para umalalay sa mga motorista kasunod ng gagawing inagurasyon nila Pangulong-halal Rodrigo Duterte at Vice President-elect Leni Robredo.
Ayon kay Atty. Crisanto Saruca, Pinuno ng MMDA Traffic Discipline Office, bagama’t walang kalsadang isasara, asahan pa rin na magiging mabigat ang daloy ng trapiko dahil sa mga daraang convoy.
Kagabi, dumating si Duterte mula Davao kung saan, agad itong dumiretso sa hindi tinukoy na lugar bunsod ng usaping pangseguridad.
Dagdag pa ni Saruca, may mga tauhan din silang itinalaga sa bahagi ng Times Street kung saan tutuloy si Pangulong Benigno Aquino III pagbaba nito sa puwesto.
By Jaymark Dagala