Umapela ng kooperasyon si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas sa kaniyang mga tauhan hinggil sa ilang pagbabago sa sistema ng kanilang pagtatrabaho sa ilalim ng ‘new normal’.
Ito ang inihayag ni Sinas sa pagharap niya sa mga Pulis sa Kampo Crame kaalinsabay ng kaniyang unang flag raising ceremony bilang PNP Chief, kahapon.
Ayon kay Sinas, balik na sa normal ang trabaho ng mga pulis at ipinagbabawal na nito ang pagpapatupad ng alternate work schedule na unang ipinatupad sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Paliwanag ng PNP Chief, masyadong naaantala ang trabaho ng mga pulis sa ilalim ng alternate work schedule at tiyak na apektado rito ang kanilang pagbibigay serbisyo.
Bawal na rin aniyang isailalim sa lockdown ang isang opisina kung may empleyado ito na magpopositibo sa COVID-19 kaya’t kinakailangan ng internal strategy upang maalagan ang kanilang kalusugan sa pangunguna ng health service.
Kung maraming tao sa opisina dahil na rin sa sabay-sabay na pagpasok, dapat itong bawasan at ililipat ang mga ito sa mga himpilan ng pulisya na kulang sa tao. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)