Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na tamper proof ang mga binili nilang body camera na gagamitin ng mga Pulis para sa kanilang mga operasyon.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar makaraang ilunsad na ngayong araw ang paggamit sa may 3,000 body camera bilang bahagi ng transparency measures ng Pulisya.
Paliwanag ni PNP Director for Operations P/MGen. Alfred Corpuz na sa sandalin buksan na ang mga unit ay tuloy-tuloy itong magrerecord ng mga pangyayari .
May access din dito ang PNP Command Center dahil binigyan ito ng kontrol ng pamunuan ng PNP para sa operasyon ng mga camera.
May 3 storage din ang recording ng mga body cameras kaya’t hindi basta basta mabubura ng kung sinu-sino lang ang recorded video na tatagal ng 60 araw.
Ayon naman sa PNP Chief, prayoridad nilang ipagamit ang mga body cameras sa NCRPO at mga tinaguriang major cities sa bansa tulad ng Cebu at Davao.
Kabilang sa mga priority operations na dapat gamitan ng body cameras ay ang Anti-Drug Operations, pagsisilbi ng Warrant of Arrest at Search Warrant, High Risk Checkpoint, Security Operations sa pagpapatupad ng Court Orders at malaking okasyon tulad ng SONA ng Pangulo.