Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na dalawa sa mga suspects sa pagpatay kay AKO-Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe ang kinanlong ng mga pulitiko sa Masbate.
Ayon kay Albayalde, batay sa paunang impormasyon, ginagamit rin ng ilang mga pulitiko sa Masbate ang dalawang gunmen.
Kilala na aniya nila ang mga nasabing pulitiko at sila ngayon ang sentro ng imbestigasyon at pangangalap ng impormasyon.
Samantala, inihayag ni Albayalde na mismong ina ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang nakatanggap ng kanyang subpoena.
Dahil dito, aandar na ang labing limang (15) araw na palugit para makapagsumite ng kanyang counter affidavit si Baldo.
Sa walong suspects sa pagpatay kay Batocabe, tanging si Baldo at isa pang hinihinalang gunman ang wala sa kustodiya ng PNP.
Mayroon ding hawak na testigo ang PNP maliban pa kay alyas Jojo na naunang nagbigay ng mga impormasyon sa PNP at tatanggap ng limampung (50) milyong pisong pabuya.
—-