Tiyak na may kalalagyan ang sinumang Pulitiko o Kandidato na makikisawsaw sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga Tsuper at Operator ng Pampublikong sasakyan.
Ito ang nagkakaisang babala ng Commission on Elections (COMELEC), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police sa harap na rin ng nagpapatuloy na kampaniyahan para sa Halalan 2022.
Ayon kay COMELEC Spokesman, Dir. James Jimenez, huwag nang subukan ng mga kandidato na makisawsaw pa sa pamamahagi ng fuel subsidy dahil mahaharap sila sa kaso.
Giit ni Jimenez, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang siyang naatasang magbigay ng nasabing ayuda matapos mabigyan ng exemption sa ban on public spending for infrastructure and other projects.
Ayon naman kay DILG Sec. Eduardo Año, nasa kalahati na ng 1.2M Tricycle drivers at operators ang naisumite na ang listahan sa LTFRB upang mabahaginan ng naturang ayuda.
Binigyang diin ng Kalihim na nasa LTFRB kasi ang pondo para sa mga tricycle operators at drivers kaya’t ito ang siyang bahalang mamahagi ng fuel subsidy sa mga ito.
Sa panig naman ni PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos, may sapat silang tauhan para magbantay sa pamamahagi ng fuel subsidy upang matiyak na hindi ito magagamit ng mga kandidato sa pangangampaniya.
Magugunitang itinigil ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon na layong maibsan sana ang epektong dulot ng pagsipa ng presyo ng langis bunsod ng girian sa pagitan ng Russia at Ukraine. - ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)