Sinagot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang puna hinggil sa kaniyang naging pananamit noong Association of Southeast Asian Nations o ASEAN summit dito sa Pilipinas noong isang linggo.
Ito’y makaraang pagpiyestahan sa social media ang mga larawan ng Pangulo na nakasuot ng gusot na barong at nakatupi pa ng hanggang siko ang manggas nito.
Sa isang pulong balitaan sa Davao City, sinabi ng Pangulo na nakabatay ang kaniyang pananamit sa kung ano ang kumportable para sa kaniya at hindi para pasayahin ang sinuman.
Inamin din ng Pangulo na sa Divisoria sa Maynila binili ang kanyang barong na isinuot para sa ASEAN Summit sabay pagbibiro pa na magsusuot lamang siya ng Amerikana sa sandaling siya’y iburol na.
—-