Hinahangaan ng mga netizen ang mga itinayong bahay ng karpinterong si Reginald Payos sa isang subdibisyon sa Parañaque.
Layon kasi nitong makapagbigay ng pansamantalang tirahan para sa mga pusang gala sa lugar.
Ayon kay Reginald, may nagtanong sa kanyang isang residente mula sa subdibisyon na nais malaman kung kaya niyang gumawa ng outdoor cat house. Matapos ang paghahanap ng mga tamang materyales upang matiyak na matibay ito at hindi basta masisira, natapos ni Reginald at ng mga kasamahan nito ang ilang cat house sa loob lamang ng isang linggo.
Isang certified animal lover si Cindy Santwani na nagre-rescue ng strays simula pa noong 2020.
Ngunit noong kasagsagan ng pandemya, dumami ang kanyang mga alaga dahil walang bukas na clinic na maaaring magkapon sa kanila. Sa kalaunan, umabot sa 200 ang kanyang mga pusa, samantalang 20 ang kanyang mga aso.
Sa dami ng mga alaga ni Cindy, hindi na aniya sila nakakapasok sa kanyang bahay. Dahil dito, napagdesisyunan niyang magpagawa ng mga outdoor cat house.
Bukod sa pagprotekta sa mga hayop laban sa matinding init at ulan, ipinagawa ni Cindy ang mga naturang bahay upang mayroong mapaglagyan ng pagkain ang mga pusa nang hindi delikado para sa kanila.
Nais ni Cindy na magbigay-inspirasyon sa publiko na magpakita ng kabutihan at simpatya sa mga hayop. Aniya, maging ang mga simpleng kilos katulad ng pagpapakain at hindi pananakit sa kanila, napakalaking bagay na.