Marami pang Public Utility Vehicles ang hindi pa maaaring magpataw ng dagdag pasahe sa pagsisimula ng fare increase ngayong araw.
Ito’y dahil karamihan ng operator o driver ang wala pang fare matrix o taripa na requirement ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bago magdagdag ng pasahe.
Ayon kay Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) president Orlando Marquez, halos kalahati pa lamang ng kanilang mga miyembro ang nakakuha ng taripa.
Nasa 70% hanggang 80% naman ng kanilang miyembro ang inaasahang makakukuha na ng fare matrix ngayong linggo.
Sa datos ng LTFRB Central Office hanggang noong Biyernes, 2,711 o 6.9 % lamang ang nag-apply para sa taripa.
Samantala, ipinanawagan naman ni Stop and Go Coalition president Zaldy Ping-Ay sa LTFRB na pasimplehin ang requirements sa pag-a-apply para sa fare matrix upang mapabilis ang pagkuha rito.