Huhulihin na simula ngayong araw ang mga drivers ng mga Public Utility Vehicles o PUV na hindi magbibigay ng dalawampung porsyentong diskwento sa pasahe sa mga senior citizens, estudyante at mga may kapansanan.
Ayon kay Transportation Undersecretary at I-ACT Overall Head Tim Orbos, mahigpit na tutukan ng kanilang ikakasang simultaneous operation sa iba’t ibang lugar ang mga tsuper na hindi nagbibigay ng fare discounts.
Kasabay nito hinimok ni Orbos ang lahat ng drayber ng pampublikong sasakyan na sumunod sa itinakda ng batas at ipinalabas na memorandum ng LTFRB hinggil sa pagbibigay ng diskwento sa pasahe.
Batay sa isinasaad ng batas, maaaring pagmultahin ng limang libong piso (P5,000) hanggang labinglimang libong piso (P15,000), ma-impound sa loob ng tatlumpung araw ang kanilang mga sasakyan at makansela ang prangkisa ng mga lalabag na tsuper.
—-