Nasa balag na naman umano ng alanganin ang sangay ng hudikatura mula sa mga pulitiko sa iba’t ibang panig ng mundo.
Iyan ang ibinabala ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kaniyang talumpati sa 8th ICTJ o International Conference on the Training of the Jurist sa Taguig City kahapon.
Ayon kay Sereno, muling nabuhay aniya ang political forces na nagbabanta at nanghaharass sa kalayaan ng sistema ng hudikatura sa bansa.
Binigyang diin pa ng punong mahistrado, nakadepende aniya sa mga naniniwala sa hudikatura ang pagiging malakas at malaya ng good judicial system.
Magugunitang nanganganib ngayong sumunod si Sereno sa napatalsik na si yumaong dating Chief Justice Renato Corona bunsod ng reklamong impeachment na inihain laban sa kaniya sa Kongreso.
—-