Muling nakiusap ang NCRPO o National Capital Region Police Office sa mga militante na manatiling kalmado at iwasan ang pagkakalat sa mga lugar na pagdarausan ng kanilang mga programa.
Ito ang panawagan ni NCRPO Chief Dir. Oscar Albayalde matapos hakutin ng kanilang mga tauhan ang bultu-bultong mga basurang iniwan ng mga rallyista sa iba’t ibang panig ng lungsod ng Maynila kahapon.
Aminado si Albayalde na malaking hamon para sa kanila ang mga ginagawang kilos protesta dahil maliban sa panganib na dulot nito sa seguridad, tila malaking problema rin ang mga kalat na iniiwan ng mga ito.
Kasunod nito, binigyan ng iskor na 9.5 ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa ang security situation sa unang araw ng ASEAN Summit.
Giit ng PNP Chief, perfect ten sana ang kaniyang ibibigay kung hindi lamang nanggulo ang mga rallyista bagama’t wala namang naitalang aberya sa kabuuan ng maghapon kahapon.