Bahagyang nagkatensyon sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at ng mga rallyista sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Hindi kasi pinayagan ng mga awtoridad na makalapit sa St. Peter’s Church ang iba’t ibang grupo upang duon sana idaos ang kanilang orihinal na plano na maglunsad ng programa.
Sa halip, nakuntento na lang ang mga militante paglagpas ng UP Kinetiks sa may harapan ng Templo Central ng Iglesia ni Cristo sa Tandang Sora.
Tatlo sa limang lane ng Northbound ng Commonwealth Ave ang okupado ng mga rallyista habang 2 lane na lamang ang nadaraanan ng mga motorista, dahilan upang lalo pang sumikip ang daloy ng trapiko.
Alas onse kaninang umaga nang magsimulang magmartsa ang iba’t ibang grupo tulad ng Bayan Muna, Bayan, Tindig Pilipinas, SanLakas at Bukluran ng Manggagawang Pilipino mula sa UP Diliman patungo sanang St. Peter’s Church.
Pagtitiyak naman ni BAYAN Sec/Gen. Renato Reyes, nais nilang matapos agad ang mga inilusad nilang programa upang hindi na makaabala pa sa mga motoristang daraan sa bahagi ng Commonwealth Aveue ngayong huling SONA ni Pangulong Duterte. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)