Plano umano ng Communist Terrorist Group na manggulo sa oath-taking ceremony ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo a-30.
Ito ang ibinunyag ng dating mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa idinaos na tagged media briefing ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ayon kina Orlando “Ka Warly” Baluyot, Chairman ng Tinang Samahang Nayon Multi-Purpose Cooperative at Ka Pong Sibayan, magsasaka mula sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac, na kapwa dating rebelde, nagsisimula na ang mga komunista na i-organisa ang mga magsasaka sa kanilang lalawigan.
Maliban sa Hacienda Tinang, ang mga opisyales at miyembro ng CPP-NPA-NDF Legal Front Organizations ay nagsasagawa na anila ng pulong kasama ang mga magsasaka malapit sa Hacienda Murcia at Barangay Central sa loob ng Hacienda Luisita.
Ang mga magsasaka umano sa mga nasabing lugar ay organisado na ng naturang front groups.
Inihayag din ni Baluyot na ang mga magsasakang ito ay may problema sa kanilang lupain at nakatanggap na umano ng eviction threats.
Isiniwalat din ng dalawang dating rebelde na may ilang miyembro ng mga grupong makakaliwa ang madalas na nakikitang pumupunta sa mga nabanggit na lugar.