Naghain ng resolusyon sa Kamara si Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez para tingnan ang hindi matapus-tapos na sumbong at reklamo laban sa ikatlong Telco player sa bansa na DITO.
Ayon kay Fernandez na kabilang sa tinaguriang ‘Balik saTamang Serbisyo’ bloc sa Kamara, isang seryosong usapin ang problema ng DITO Telco at dapat itong maimbestigahan agad.
Mula sa hindi pa masagot na isyu na may banta sa ating national security itong network rollout nila, paglabag sa ilang mandato ng Local Government Units (LGUs), Barangay at reklamo ng iba’t ibang komunidad, masasabi nating seryoso at dapat lang masiyasat ng Kongreso ang mga reklamong ito laban sa DITO telco,” tahasang sabi ni Fernandez.
Ayon pa kay Fernandez, dahil sa nagkukumahog na ang DITO na maabot ang target na 1,600 cell towers bago ang commercial rollout nito bukas, Marso 8 ay maaaring nagiging bara-bara na ang kompanya, na kahit lumabag sa batas, huwag lang sumablay sa deadline sa kanila ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa Bayanihan Law 2, particularly under Sec, 6.8.2 of its Implementing Rules and Regulations (IIR), dalawa na nga lang ang requirements, na dapat mayroong building permit in accordance to the National Building Code at height clearance from the Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa construction, installation, operation, etc. ng telecom and internet infrastructures. Kaya sana naman itong DITO Telco huwag maging pasaway, ipakita nila na worth it sila na mabigyan ng Certificate of Public Convenience and Necessity at may respeto at sumusunod sila sa ating batas,” ayon pa sa Kongresista.
Ibinigay na halimbawa ni Fernandez ang napaulat na pag-iisyu ng Office of Building Official ng Bacolod City ng 1st Notice of Violation sa DITO dahil sa umano’y illegal construction ng cell site sa Purok Himaya, Brgy. Alijis o paglabag sa Section 301 ng Presidential Decree 1096 o ang National Building Code of the Philippines.
Nauna rito ay inalmahan ng mga residente ng Purok Himaya, gayundin ng Purok Paghigugma sa Brgy. Alijis din, ang pagtatayo ng cell tower ng DITO sa kanilang lugar kung saan naghain pa sila ng petition letter sa City Council na humihiling ng pagpapatigil sa nasabing konstruksiyon ng cell site.
Noong nakaraang Disyembre ay nagsampa naman ng reklamo ang Malabon City government sa City Prosecutor’s Office laban din sa third telco player dahil sa pagtatayo rin ng cell site sa Brgy. Tinajeros na walang kakukulang permit.
Bago ang pormal na paghahain ng reklamo, tatlong beses umanong inisyuhan ng notices ng Malabon LGU ang kompanya subalit binalewala lamang ito kaya kinasuhan na ito.
Kasong paglabag din sa PD 1096 o ang National Building Code of the Philippines ang inihain laban sa DITO personnel na sina Engineers Hue Jidong at Jockey Mediola at anim na iba pa.