Umaabot na sa mahigit 2,000 mga sumbong ang natatanggap ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa ilang mga barangay officials.
Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, karamihan sa mga ito ay may kinalaman sa umano’y katiwalian ng mga opisyal ng barangay hinggil sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP).
Sinabi ni Diño, kabilang na rito ang binanggit ni Pangulong Rodrigo Dutere na barangay kagawad ng Hagonoy Bulacan na si Danilo Flores.
Aniya, umaabot sa libo ang hinihinging pera ni Flores mula sa mga benepisyaryo ng SAP na nakatanggap na ng pinansiyal na ayuda.
Dagdag ni Diño, kasalukuyan nang nakakulong si Flores matapos maaresto noong nakaraang linggo at mahaharap sa patong-patong na reklamo
Kaugnay nito, muli naman binalaan ni Diño ang mga opisyal ng barangay na masasangkot sa katiwalian hinggil sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng SAP.