Mariing pinabulaanan ng Malakanyang ang kumakalat na malisyosong balita hinggil sa sinasabing blankong appropriation sa ilang bahagi ng 2025 General Appropriations Act o 2025 national budget.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, hindi lamang ito fake news kundi isang kasinungalingan na dapat kondenahin bilang isang kriminal na gawain.
Giit ni Bersamin, walang pahina ng 2025 national budget ang pinalampas nang hindi masusing sinuri bago ito nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Una nang sinabi nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab na may mga nasilip silang discrepancies sa Bicameral Conference Committee report kaugnay sa national budget ngayong taon.
Kaugnay nito, sinabi ng Kalihim na dapat alam din ng dating Pangulo at ng kanyang mga kasamahan na imposible para sa GAA na magkarooon ng mga blangkong item.
Dagdag pa ni Executive Secretary Bersamin, ang 2025 national budget ay maaari namang makita ng publiko sa website ng Department of Budget and Management upang patunayan na walang programa, aktibidad, o proyekto na walang kaukulang pondo. – Mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)