Pumalo na sa halos 300,000 ang bilang ng mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.
Ayon sa situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang alas-6 ng umaga, sumampa na sa 271,278 indibiduwal o katumbas ng 68,439 na pamilya ang apektado ng pag-alburuto ng bulkan —sa naturang bilang, 38,906 na pamilya o katumbas ng 148,514 indibiduwal ang pansamantala pa ring nananatili sa nasa 497 evacuation centers.
Umaabot naman sa P18,431,320.87 ang halaga ng ayuda na ipinaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at iba pang lokal na ahensiya ng gobyerno sa mga naturang biktima ng Taal Volcano.
Dagdag pa ng konseho, maaari na ring daanan ang lahat ng road section sa CALABARZON, ngunit hindi pa rin ito binubuksan sa publiko dahil sa pagpapatupad ng lockdown sa lugar para sa seguridad ng mga residente.
Magugunitang ipinatupad ang lockdown sa mga lalawigan at munisipyo sa Batangas partikular na sa mga bayan ng Lemery, Agoncillo, Balete, Sta. Teresita, Talisay at San Nicolas kung saan umiiral ang total lockdown, habang partial lockdown naman ang ipinatupad sa Laurel at Taal.