Maraming residente ng Bangued, Abra ang mas piniling magpalipas ng gabi sa labas ng kanilang bahay matapos ang magnitude 7 na lindol na tumama sa lalawigan at ilang bahagi ng Luzon.
Tinatayang 200 katao ang pansamantalang tumutuloy sa plaza dahil sa takot sa aftershocks.
Ayon kay Mayor Mila Valera, natatakot ang mga residente na magbalikan sa kanilang mga bahay na pawang nagtamo ng mga pinsala at maaaring magdulot ng peligro.
Nasira rin anya ang mga kalsada, tatlong tulay, walong government facilities, pitong commercial buildings habang tatlong bahay ang totally damaged at 36 ang bahagyang napinsala.
Nananawagan naman si Valera sa kanyang mga constituent na bakantehin ang lahat ng establisyimento at ipinag-utos din ang pagsasara ng lahat ng kalsadang patungo sa sentro ng bayan maging ang pag-control sa supply ng krudo.
Ito’y dahil nagsimula nang mag-hoard ng pagkain at nagpa-panic buying ang mga tao.
Samantala, nagtayo na ang local government 25 modular tents upang magsilbing temporary shelter ng mga evacuee.