Nanindigan ang Ministry of Health ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na wala pa silang naitatalang local transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ayon mismo kay BARMM Health Minister Dr. Saffrullah Dipatuan bagama’t may anim na ang nagpositibo sa Lanao Del Sur kung saan tatlo sa mga ito ang nasawi batay na rin sa datos mula sa Department of Health (DOH).
Kasunod nito, nilinaw ni Dipatuan ang nag-leaked o kumalat na unofficial advisory ng kanilang Regional Epidemiological and Surveillance Unit ng Ministry of Health kaugnay pa rin sa nasabing virus.
Ayon sa Ministro, labis silang nalulungkot sa pagkalat ng naturang abiso gayung bagama’t pirmado ay hindi pa ito dapat isinasapubliko lalo’t under deliberation at review pa iyon.
Giit pa ni Dipatuan, internal communication dapat aniya ang nasabing dokumento sa loob lang ng Health Ministry kung saan, laan lang ito para sa mga Integrated Provincial at City Health Offices sa ilalim ng BARMM.
Layunin nito na maging gabay para sa tamang hakbang na sususugan ng ministry at siya namang irerekumenda sa mga Lokal na Pamahalaan sa Rehiyon bilang bahagi ng Bangsamoro Inter-Agency Task Force on COVID-19.
Iginiit din nito na ang klasipikasyon ng isang indibidwal bilang Patient Under Monitoring (PUM) at Patient Under Investigation (PUI) ay hindi lamang nakabase sa advisory kundi sa umiiral na protocols o mga panuntunan at algorithms may kaugnayan sa COVID-19 ng DoH.
Magugunita na kumalat sa mga residente ng BARMM ang kopya ng nasabing abiso sa social media gamit ang isang mobile scanner kaya’t mabilis itong naipalaganap.
Dahil dito humingi ng paumanhin si Dipatuan gayundin ang buong Ministry of Health sa mga residente ng BARMM sa kalituhan, gulo at pangambang idinulot nito sa kanila.
Pagtitiyak pa ng Ministro, makaaasa ang Bangsamoro ng malalimang imbestigasyon at pagpapanagot sa sinumang nasa likod ng nasabing kontrobersiya.