Binulaga ng baha ang maraming residenteng naninirahan sa mga mababang lugar, malapit sa ilog at baybayin sa Bulacan at ilang bahagi ng mga lungsod ng Caloocan at Maynila.
Ito’y makaraang bumuhos ang malakas na ulang dala ng habagat na pinaigting ng low pressure area at sinundan ng high tide.
Dakong alas-8 ng umaga kahapon nang tumaas ang tubig na halos 5 talampakan sa Malolos at Meycauayan Cities, mga mababang lugar sa mga bayan ng Obando, Marilao, Bocaue, Balagtas, Bulakan, Guiguinto, Malolos, Paombong, Hagonoy at Calumpit.
Binaha rin ang isang bahagi ng A. Mabini street sa Maypajo, Caloocan City hanggang sa kanto ng Hermosa at Juan Luna streets dahil sa bahagyang pag-apaw ng ilang bahagi ng estero de sunog apog dala ng high tide at malakas na pag-ulan.
Samantala, apektado rin ng high tide ang ilang bahagi ng Pampanga gaya sa mga bayan ng Masantol, Macabebe, sasmuan at Guagua.
Sa pagtaya ng Pagasa, posibleng abutin ng halos 5 talampakan ang taas ng tubig sa mga nasabing lugar, ngayong umaga.