Malalaman pa rin ng mga residente ng Lungsod ng Maynila ang brand ng bakunang ituturok sa kanila.
Ito ang tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno kasunod ng polisiya na ipinatutupad ng pamahalaan na ‘brand agnostic’ o hindi pag-anunsyo kung anong brand ng bakuna ang gagamitin sa mga vaccination sites.
Nilinaw ni Moreno na hindi gagawin ang malawakang pag-anunsiyo ng brand ng bakuna ngunit hindi ipagkakait sa taong bayan ang karapatang malaman ang brand ng bakunang ituturok sa mga ito.
Tiniyak din ni Moreno na hindi dapat malabag ang panukala ng national government.
Paliwanag ng alkalde, kapag dumating sa vaccination center ang isang indibidwal at hindi nagustuhan ang bakuna, maaari itong lumipat sa ibang vaccination center.
Dahil dito, aminado si Moreno na malaking abala ito sa pagbabakuna dahil pipila na naman ang isang indibidwal sa ibang brand ng bakuna.