Nakatakdang i-relocate sa isang bayan sa Batangas ang mga residente ng Taal Volcano Island na permanent danger zone –sa gitna na rin na patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sinabi ni Batangas Vice Governor Mark Leviste na hindi na maaaring balikan ang Taal Volcano Island kung saan priority nila ang 10 residente rito.
Ayon kay Leviste, tinitingnan nila ang dalawang pasilidad sa bayan ng Ibaan sa lalawigan din.
Isang pasilidad aniya ay lugar nang halos 1,000 bahay at kung saan maaaring ilipat na ang mga taga-pulo.
Sinabi ni Leviste na ang isa pang pasilidad na orihinal na dinisenyo bilang drug rehabilitation center ay magsisilbing pansamantalang tuluyan ng iba pang evacuee.
Kasabay nito, inihayag ni Leviste na target nilang maalis na ang evacuee sa mga eskuwelahang nagsisilbing evacuation centers para maibalik na sa normal ang klase na halos dalawang linggo nang suspendido.