Nangangamba ngayon ang mga residente sa Aklan matapos ang pagpasok ng Bagyong Odette sa Philippine Area of Responsibility o PAR.
Ang ilan sa kanila ay kaniya-kaniya nang tali ng kanilang mga bahay sa mga puno upang hindi tangayin ng malakas na hangin lalo na ang mga nakatira malapit sa baybaying dagat at ilog.
Samantala, isang bahay naman ang nasira at nahulog sa ilog dahil sa naranasang mga pagbaha sa barangay Casit-An, Libacao, Aklan.
Ayon kay punong Barangay Alicio Zonio Zubista, sunod-sunod ang mga araw ng pagbuhos ng ulan dahilan ng unti-unting pagguho ng lupa sa gilid ng Aklan River.
Wala namang nasaktan sa nangyaring insidente habang nagsasagawa na ng preemptive evacuation sa nabanggit na lugar. —sa panulat ni Angelica Doctolero