Nabunyag na matagal nang nakakatanggap ng banta at harassment ang mga mamamayan ng Cotabato City mula sa commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) 118th Base Command.
Gayunman, tumanggi si Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na direktang ikonekta ang mga pagbabanta sa pagpapasabog sa labas ng mall sa Cotabato kung saan dalawa katao ang nasawi.
Ayon kay Sayadi, kumalat sa social media ang video message ng isang nagpakilalang commander ng 118th base command ng MILF na si commander Wahid Tundok.
Sa kanyang video message, sinabi ni Tundok na kukunin nila ang Cotabato at kukumbinsihin ang mga botante na bumoto ng yes sa plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) kahit pa dumanak ang dugo.
Sinabi ni Sayadi na may mga barangay ring pinupuntahan ang mga armadong grupo kung saan binabalaan ang opisyal ng barangay na mangangampanya ng kontra sa pagsama ng Cotabato City sa BOL.
Maliban pa aniya ito sa napakaraming fake social media accounts na naninira sa mga opisyal na hindi pabor na mapasama sa BOL ang Cotabato City.