Inireklamo ng mga residente sa isang barangay sa Batangas ang isang manukan dahil sa sangkaterbang langaw sa loob at labas ng kanilang bahay.
Ayon sa mga residente, umaga pa lang ay puno na ng langaw ang dumadapo sa kanilang nakalatag na fly trap kung saan hindi na umano sila makakain dahil sa takot na baka madapuan ang kanilang mga pagkain.
Ang itinuturo nilang pinagmumulan ng langaw, ang kapabayaan ng isang poultry farm o manukan na nasa kanilang barangay.
Agad na binisita ng joint inspection team ng bayan ang isang manukan na sinasabing nagkaroon umano ng problema sa linya ng tubig.
Ayon kay Ferdinand Hernandez, Sanitation Inspector, Rosario-LGU, kalimitan umanong pinagmumulan ng langaw ang ipot o dumi ng hayop partikular na ng manok kung saan, nagkakaroon ito ng larva.
Iginiit naman ng namamahala sa manukan na kanila nang naayos ang problema sa kanilang manukan at patuloy ang kanilang pag-spray kontra sa langaw.
Iminungkahi naman ng inspection team na dapat magkaroon ng ordinansa ang naturang barangay na magbibigay ng kapangyarihan sa mga opisyal na suspindihin ang operasyon ng manukan sakaling muling may magreklamo upang agad na maaksyunan ang problema.