Lahat naman tayo, ayaw lumusong sa baha. Bukod sa madumi at mabaho, marami pang sakit na maaaring makuha mula rito.
Ngunit ibahin mo ang ilang residente sa Batasan, Tubigon, Bohol dahil napakalinaw na nga ng kanilang tubig-baha, wala pa itong amoy!
Minsan, may makikita pang mga buhay na isda rito.
Nagsimulang bahain ang Batasan matapos tamaan ng 7.2 magnitude na lindol ang Bohol noong October 15, 2013.
Nagdulot ito ng pagguho ng lupa at malawakang pagkawasak sa lalawigan. Tinatayang 200 katao rin ang binawian ng buhay dahil sa sakunang ito.
Ayon sa mga eksperto, posibleng lumubog ang lupa sa barangay dahil sa lindol. Kaya tuwing high tide, umaakyat ang tubig-dagat at umaabot sa tirahan ng mga residente.
Maaari ring may kinalaman ang climate change sa pagbaha sa Batasan.
Unti-unti na kasing tumataas ang sea-level sa pagtaas ng temperatura sa dagat. Sumabay pa rito ang paglubog ng lupa dahil sa nangyaring malakas na paglindol.
Sa kabutihang-palad, mayroong maayos na septic tank at waste disposal sa Batasan kaya malinis ang kanilang tubig-baha.
Bagamat nahihirapan na sa nararanasang pagbaha sa kanilang lugar, tuloy lang ang buhay ng mga residente rito.
Sila na lang ang nag-aadjust sa pamamagitan ng pagpapataas sa kanilang mga bahay at pag-eenjoy sa kanilang sariling “beach” na gawa sa malinis at malinaw na tubig-baha.