Pinagkaguluhan at kinatakutan ang isang malaking pating na bigla na lamang sumulpot sa daungan sa isang barangay sa Quezon.
Kung paano napadpad doon ang pating, eto.
Sa isang video na in-upload ni Kuya Etoha na kinuhanan sa Brgy. Pandan Real, Quezon na mayroon nang mahigit isang milyong views, makikita ang kumpol ng mga residente na mayroong close encounter sa isang pating na bigla na lamang nagpakita sa kanilang pantalan.
Kung bakit ganoon kalapit ang pating ay dahil itinali pala ito ng mga residente at sa kasamaang palad ay namatay din sa kaparehong araw.
Sinabi naman ng animal expert na si Dr. Romulo Bernardo na ang nakitang pating ay malaki ang sukat at mayroong puting underbelly at kulay greyish na likuran at hindi raw kapareho ng uri ng pating na great white shark, na siya namang madalas ay matatagpuan sa mga malalamig na lugar ngunit may posibilidad na mamataan din sa Pilipinas.
Nagbigay naman ng paalala ang eksperto na dahil kakaunti na lang ang mga pating sa panahon ngayon, dapat ay huwag itong papatayin. Kung mangingisda man ay maging tradisyonal na lang at huwag magsasagawa ng dynamite fishing o ang paggamit ng explosives upang patayin ang mga isda.
Bukod pa riyan, nagpaalala pa si Dr. Bernardo na kung magkakaron ng hindi sinasadyang close encounter sa pating ay kumalma lamang at tahimik na lumangoy papalayo rito.
Ikaw, ano ang una mong gagawin kapag nakakita ka ng pating? Mamamangha o magpapanic?