Nanawagan sa pamahalaan ang mga residente sa Surigao na madaliin ang pamamahagi ng tulong pinansiyal.
Sa ngayon kasi ay kinakapos parin sa pagkain at maiinom na malinis na tubig ang bawat apektado sa lugar.
Bukod pa dito, wala pa ring masisilungan ang mga pamilyang nasalanta ng bagyong Odette sa barangay Consuelo sa Siargao Island, Surigao Del Norte.
Ayon sa mga residente, hindi sapat ang limang libong pisong kanilang natanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Aminado naman ang mga lokal na opisyal na kakaunti pa lang ang nakatatanggap ng tulong pinansiyal sa kanilang lugar dahil sa mabagal na roll-out ng financial assistance na ipinangako ng gobyerno.
Sa ngayon, wala pa ring kuryente sa lungsod at hindi pa stable ang linya ng komunikasyon. —sa panulat ni Angelica Doctolero