Tila inulan ng sangkaterbang isdang tamban ang panagsama beach sa Moalboal, Cebu at halos takpan na ang tubig dagat.
Kung bakit? Alamin.
Sa isang video, makikita kung gaano karaming mga tao ang nasa tabing dagat. Sa unang tingin, aakalain na tila nag-a-outing ang mga ito at nagtatampisaw lang sa tubig.
Ngunit, ang totoo pala ay abala ang mga tao sa kaniya-kaniyang paghuli ng mga isda gamit ang iba’t ibang lalagyan katulad ng timba at sako.
Dahil dito, secured na ang pang-ulam ng mga residente kung kaya naman sinamantala na nila ang nangyari. Ngunit, ang iba naman ay nag-alala sa kadahilanang baka ito ay signos ng isang trahedya.
Samantala, nangyari na rin daw ito sa Panagsama beach dalawang buwan pa lang ang nakaraan.
Pinaniniwalaan naman ng mga eksperto na resulta ito ng taunang closed fishing season na kung saan sa ilang buwan ay panandaliang itinitigil ang panghuhuli ng mga tamban para bigyan ng pagkakataon na makapagparami.
Maaari rin daw na napadpad ang mga isda sa tabing dagat dahil sa pagbabago ng temperatura sa dagat o sa direksyon ng agos ng dagat, o kaya naman ay ang paghabol ng predator.