Tulong-tulong ang mga residente sa India sa pagliligtas sa isang sanggol mula sa pagkakahulog sa bubong.
Sa viral video, makikita ang sanggol na pitong buwan pa lamang na tila nakasabit sa bubong ng ikalawang palapag ng isang apartment building.
Tatlong lalaki ang umakyat mula sa unang palapag upang abutin ang bata; samantalang inihanda naman ng mga nasa baba ang isang bedsheet upang saluhin ang bata kung sakaling mahulog ito.
Batay sa imbestigasyon, nagpapa-breastfeed ang ina sa balkonahe ng kanilang apartment sa ikaapat na palapag nang aksidenteng mahulog ang sanggol at nasalo ng bubong sa ikalawang palapag.
Dahil sa koordinasyon at pagkakaisa, matagumpay namang nailigtas ang sanggol.
Ayon sa mga pulis, tunay ang nangyaring pagliligtas sa bata at wala silang natanggap na anumang pormal na reklamo.
Kinumpirma rin nilang maayos na ang lagay ng bata, salamat sa pagmamalasakit ng mga residente rito.