Plano ng pamahalaang lokal ng Quezon City na i-relocate ang mga residenteng malapit sa West Valley Fault.
Dahil dito, nanawagan si Mayor Herbert Bautista sa National Housing Authority (NHA) at Department of Interior and Local Government (DILG) na gawing prioridad ang paghahanap ng ligtas na matitirhan ng mga mamamayan.
Pinangangambahang magdudulot ng magnitude 7.2 na lindol kapag gumalaw ang faultline sa Metro Manila.
Sinasabing kasama ang mga depressed areas at mga prominenteng subdivision sa mga nanganganib sakaling tumama ang malakas na pagyanig.
‘West Valley Fault’
Malinaw nang makikita sa ipinalabas na Valley Fault Atlas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang panganib na maaring idulot sakaling gumalaw ang West Valley Fault System.
Ayon kay PHILVOCS Director Renato Solidum, malaki ang maitutulong nito upang masiguro ng lokal na pamahalaan na maiwasang matirhan o pagtayuan ng mga istraktura ang mahabang active fault.
Aniya, dapat na paghandaan ang inaasahang paggalaw ng West Valley Fault na dumadaan sa bahagi ng Metro Manila, Bulacan, Laguna, Rizal at Cavite.
Nalalapit na rin aniya ang paggalaw ng nasabing fault line na sinasabing gumagalaw tuwing 400 to 600 years at posibleng magdulot ito ng magnitude 7.2 na lindol.
By Jelbert Perdez | Rianne Briones