Nakatakdang sumailalim sa background check ang tatlong daan at siyamnapung (390) residente na nailigtas ng militar sa Marawi City dahil sa posibilidad na humalo na sa mga sibilyan ang mga tumatakas na miyembro ng Maute Terror Group.
Sa ginanap na Mindanao Hour sa Malacanang, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na nakatitiyak silang mahihirapang makapuslit palabas ng Marawi City ang mga terorista dahil naikalat na ang kanilang mga larawan, kasama ang mga dayuhang lumusob sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Padilla, makatutulong ang mga ipinakalat na mga larawan ng mga terorista sa mga checkpoints, at dino-double check din ang mga kalalakihang pagala -gala sa lungsod.
Tinitiyak ng heneral na hindi agad-agad pakakawalan ang mga nailigtas na residente dahil sasailalim pa ang mga ito sa eksaminasyon para masigurong hindi sila bahagi ng grupong nagpasimuno ng karahasan sa Marawi City.
By Meann Tanbio | With Report from Aileen Taliping