Pupulungin ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga malalaking rice traders sa bansa para malaman ang tunay na sitwasyon ng mga bigas.
Ayon kay Secretary to the Cabinet at NFA Council Chairman Leoncio Evasco, nais mabatid ng pangulo ang iba’t ibang isyung bumabalot sa suplay ng bigas sa bansa partikular na ang napabalitang shortage sa NFA rice.
Sinisi naman ni Evasco ang NFA management na lumikha ng panic sa taumbayan at nagbibigay ng ideya sa mga traders para magtaas ng presyo ng commercial rice.
Giit ni Evasco , “artificial” lamang ang shortage sa bigas na taliwas sa ibinigay na pahayag ng NFA management na nauubos na ang suplay nito.
Sec. Evasco, kinumpirmang paubos na ang NFA rice; pero marami namang commercial rice
Aminado ang isang opisyal ng Malakanyang na hindi na magtatagal ang suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa bansa.
Ayon kay Cabinet Secretary at NFA Council Chairman Leoncio Evasco , mayruon na lamang dalawang daang libong sako ng NFA rice na hindi na tatagal ng isang araw.
Malayo aniya ito sa itinatakdang mandato ng NFA na dapat mayroong stock o pondong bigas ang ahensiya na tatagal ng labinlimang araw.
Gayunman , nilinaw ni Evasco na sapat pa rin ang suplay ng bigas sa bansa at maliit na bahagi lang umano ang NFA Rice na nabibili sa mga pamilihan.
Sakabila nito, sinabi ni Evasco na tungkulin pa rin ng NFA na dapat tiyakin na may sapat na suplay ng mga murang bigas sa bansa.