Inilabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 12 ruta para sa mga provincial bus na papayagang pumasada simula sa Setyembre 30.
Batay sa memorandum circular na inilabas ng LTFRB, kabilang sa mga ito ang biyaheng San Fernando sa Pampanga patungong Araneta Center sa Cubao at pabalik.
Gayundin ang mga biyahe mula Lemery, Lipa at Nasugbu sa Batangas; Indang, Mendez, Tagaytay at Ternate sa Cavite gayundin ang Calamba, Siniloan at Sta. Cruz sa Laguna patungong Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at pabalik.
Ayon sa LTFRB, kinakailangan lamang kumuha ng QR code ng mga operator na saklaw ng nasabing mga ruta na ididikit sa harapan ng bus at kailangan din itong kabitan ng global navigation satellite system para ma-monitor ang kanilang biyahe.
Mahigpit ding binibilinan ang mga operator at driver ng mga bus units na sundin ang minimum health protocols at bawal ang pagbaba gayundin ang pagsasakay sa mga hindi itinalagang stop over.
Para naman sa mga pasahero, kailangan pa ring dalhin ang kanilang travel pass mula sa PNP, valid ID, written consent na pumapayag ang pasahero na sumailalim sa COVID-19 testing at magpaquarantine sa terminal na pinagmulan o pinuntahan sakaling kailanganin.