10 sabungero na ang nawawala matapos magtungo sa isang sabungan sa Sta. Cruz, Laguna.
Kinilala ng Santa Cruz Police ang apat sa mga nawawalang sina Ferdinand Dizon, 39 anyos Mark Paul Fernandine, Manny Magbanua at Melbert John Santos.
Ayon sa asawa ni Dizon, matapos manalo ang manok ng grupo ng kanyang mister ay may tatlo pa sanang panlaban ang mga ito pero napansin niyang sa live video na hindi na si Ferdinand ang nagbitaw ng manok sa mga sumunod na laban.
Napag-alaman ng pulisya na isang alyas julius ang financer at may-ari ng cock farm na pinuntahan ng grupo ni Dizon.
Pagbebenta ng laro o game-fixing ang posibleng motibo sa biglaang paglalaho ng 10 sabungero.
Samantala, pursigido naman ang pamilya ng mga nawawala na kasuhan ang may-ari ng cock farm na hindi rin umano mahagilap hanggang ngayon. —sa panulat ni Mara Valle