Nasabat ng BOC o Bureau of Customs ang tinatayang 3,500 sako ng tig 50 kilo ng hinihinalang smuggled na asukal sa Cagayan De Oro City.
Ayon kay Sugar Regulatory Administrator Hermenegildo Serafica, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng ahensiya laban sa pagpasok ng mga walang clearance na imported na asukal sa bansa.
Dagdag ni Serafica, tanging mga accredited international traders lamang ang kanilang pinapayagan na mag-angkat ng asukal mula sa ibang bansa.
Regular din aniya ang kanilang isinasagawang inspeksyon sa mga ware house at retail outlets para matiyak na may tamang dokumento ang mga ibinebentang asukal sa mga merkado.
Una nang pinayagan ng SRA ang pag-iimport ng aabot sa 200,000 metriko toneladang asukal sa gitna ng pagsirit ng presyo ng mga lokal na asukal.