Pinuna ng isang criminal lawyer ang mga malalabong salita sa anti-terrorism bill na maaring makapagdulot ng kalituhan lalo na sa mga magpapatupad ng batas.
Gayunman, agad nilinaw ni Atty. Ramon Esguerra, dating undersecretary ng Department of Justice (DOJ) na suportado niya ang anti-terror bill dahil kailangan ito ng bansa.
Ayon kay Esguerra, dapat mabigyang linaw ang ilang pananalita sa anti-terror bill sa implementing rules and regulations (IRR) kapag naisabatas na ito.
Tinukoy ni Esguerra ang salitang suspected na dapat anyang maging malinaw sa IRR na mayroong pinagbasehang ebidensya kayat pinaghihinalaang terorista ang isang tao.
Napakalawak rin aniya ng definition ng ilan sa mga itinuturing na terorismo sa anti-terror bill.
Katulad na lamang ng mass action na mayroong intensyong makapanakit o makapanira, gayung wala namang sinumang makapagsasabi kung ano ang tunay na intensyon ng isang mass action.
Malabo rin anya ang isa sa mga depinisyon ng terrorism na isang aksyong maaaring maging dahilan ng kamatayan o pananakit sa isang tao.
Dapat anyang linawin sa IRR kung kasama ba sa sinasabing terorismo kung ang isang tao ay nakapatay o nakapanakt ng isang tao.