Mayroon ka bang ideal child?
Kahit oo, alam nating hindi natin makokontrol ang kalalabasan ng ating magiging anak.
Ngunit alam mo bang sa hinaharap, posible na raw makalikha ng mga sanggol sa isang laboratoryo? At kung ia-avail mo ang kanilang “Elite Package”, maaari mo nang i-customize ang kulay ng mata, buhok, at balat ng iyong magiging anak? Maging ang kanilang intelligence level at physical strength, ikaw na ang pipili!
Ito ang EctoLife, ang pinakaunang artificial womb facility sa buong mundo.
Sa EctoLife, posibleng makalikha ng tinatayang 30,000 babies kada taon sa pamamagitan ng “growth pods” na magsisilbi bilang sinapupunan.
Maaari ring ma-track ng mga magulang ang development ng fetus sa isang app na pwedeng ma-download sa kanilang smartphone.
At kung kailangan nang lumabas ng sanggol, isang push lang sa button, “maipapanganak” na ito; ibang-iba sa normal delivery kung saan ang ina mismo ang nagpu-push tuwing labor.
Pero totoo nga ba ito?
Ang EctoLife ay isa lamang konsepto na likha ng science communicator na si Hashem Al-Ghaili, ngunit iginiit niyang magiging posible ito sa hinaharap kung tatanggalin lamang ang ethical restrictions.
Maging ang ilang eksperto, naniniwalang hindi malayo sa katotohanan ang konsepto ni Al-Ghaili dahil batay ito sa siyensya.