Kinasuhan na ng NBI o National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crime Division ang mga sangkot sa pagpasok ng mahigit P6 na bilyong pisong halaga ng shabu mula sa China.
Sa reklamo ng NBI hiniling nitong isailalim ng DOJ o Department of Justice sa preliminary investigation ng mga respondent sa kasong paglabag sa RA 9165 o pag-import ng illegal drugs.
Kabilang dito ang mga Taiwanese nationals na sina Chen Min, Jhu Ming Jyun na umuupa ng warehouse kung saan nakumpiska ang shabu, Li Guang Feng, Chinese national na tumulong umano sa pangangasiwa ng mga dokumento ng shipment at mga Pinoy na sina Fidel Anoche Dee, umano’y caretaker ng warehouse Chen Ju Long alias Richard Tan at Richard Chen, may-ari ng Hong Fei Logistics at may-ari ng warehouse na binabantayan ni Dee.
Kabilang din sina Dong Yi Shen alias Kenneth Dong, naging middleman para sa shabu shipment Mark Ruben Taguba, private customs broker Tee Jay Marcellana, broker at Eirene May Tatadat ng EMT Trading na ginamit ni Taguba para maging consignee ng shabu shipment.
Samantala dagdag na kasong paglabag sa RA 9280 o Customs Broker Act din ang isinampa laban kina Li Guang Feng alias Manny Li, Dong Yi Shen Alias Kenneth Dong at Mark Taguba.
By Judith Larino / (Ulat ni Bert Mozo)