Isinapubliko na ni Senate President Tito Sotto ang natanggap nilang mga pangalan ng mga sangkot umano sa smuggling ng agricultural products.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the whole, tinukoy ni Sotto ang mga umano’y smuggler ng produktong agricultural na sina Manuel Tan, na nag-o-operate sa Subic, Cagayan de Oro at Batangas;
Andrew Chang ng Subic, MICT at Batangas; Leah Luz Cruz, Onion Queen ng MICP at Cagayan De Oro at Jun Diamante, Agri-Fisheries sa Cagayan De Oro.
Nang itanong ni Sotto kay National Intelligence Coordinating Agency Director Edsel Batalla kung nasa kanilang listahan ang mga nabanggit na pangalan, kinumpirma ng NICA Head na kasama ang apat.
Ayon kay Batalla, mahigit 20 ang nasa kanilang listahan ng mga suspected Smuggler o sangkot sa smuggling ng agricultural products.
Gayunman, itatanong umano ni Batalla sa kanilang principal kung maaari niyang isumite sa kumite ang kanilang listahan dahil nasa proseso pa sila ng validation.
Inihayag naman ni Bureau of Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na pamilyar na sa kanila ang ilan sa pangalan na binanggit ni Sotto pero ang iba ay ngayon lang niya narinig kaya’t iba-validate pa ang listahan. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)