Kinasuhan na ng Philippine National Police (PNP) ang apat na pulis at si Ronald Mark Aquino, anak ni Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino matapos masangkot sa barilan na ikinasawi ng Alkalde noong Marso.
Ayon kay PNP Director for Operations, Major Gen. Alfred Corpuz, kasong homicide at murder ang inihain sa Calbayog City Prosecutor’s Office ng Police Regional Office-8 laban sa mga nasabing personalidad.
Nahaharap sa 3 counts of homicide at frustrated homicide sina Lieutenant Colonel Harry Sucayre, Major Shyrile Tan, Lieutenant Julio Armeza Junior at Corporal Ramil Rosales dahil sa pagkamatay ng Alkalde at mga kasamahan nito.
Two counts of murder ang isinampa laban sa nakababatang Aquino at kay Corporal Ramil Rosales at ilang John Does dahil naman sa pagkamatay ni Staff Sergeant Romeo Laoyon at Captain Joselito Tabada, hepe ng Samar-Police Drug Enforcement Unit.
Samantala, bagaman tinapos na ng National Bureau of Investigation ang hiwalay nilang imbestigasyon, hindi muna naghain ng kaso ang ahensya laban sa mga sangkot na personalidad. —sa panulat ni Drew Nacino